Nais ng grupong SINAG (Samahang Industriya ng Agrikultura) na ibalik mula sa kasalukuyang 15% tungo sa dating 35% ang taripa sa imported na bigas, sa halip na magpatupad ng pansamantalang import ban.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SINAG Chairman Rosendo So, sinabi niyang bagama’t welcome development para sa kanila ang temporary ban, mas mahalaga pa rin na ibalik sa 35% ang taripa sa imported rice. Aniya, mas matutulungan nito ang mga magsasaka dahil magtutuloy-tuloy ang pagbili ng palay ng mga rice trader sa mas mataas na presyo.
Ipinaliwanag ni So na ang international price ng bigas na dating $620 per metric ton ay bumaba na sa $358 per metric ton. Nangangahulugan ito na kung mag-iimport ang Pilipinas ng bigas na may 15% tariff sa 25% broken rice (equivalent sa ₱25 kada kilo), malulugi ang mga magsasaka.
Batay sa datos mula sa nakaraang pagpupulong kasama ang NEDA, tinatayang nasa ₱65,000 ang production cost kada ektarya, na may average harvest na 4.2 metric tons. Kung bibilhin ang palay sa halagang ₱10 kada kilo, aabot lamang sa ₱42,000 ang kita kada ektarya, katumbas ng lugi na ₱18,000 bawat ektarya.
Ayon sa grupo, kung magpapatuloy ang ganitong kalakaran, maraming magsasaka ang titigil na sa pagtatanim ng palay.
Dahil dito, hiniling ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang pansamantalang suspensyon ng importasyon ng bigas sa panahon ng anihan upang kahit papaano ay matulungan ang mga magsasaka na makamit ang mas mataas na kita.











