CAUAYAN CITY- Bubuo ng Task Force ang iba’t-ibang ahensya ng lokal na pamahalaan ng Cauayan para sa pagsasagawa ng Brigada Eskwela na uumpisan sa Lunes, Hunyo 2, 2025.
Ang paglilinis ay isasagawa bilang paghahanda sa pasukan na magsisimula sa ika-16 ng Hunyo para sa mga pampublikong paaralan, elementarya at sekondarya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, bukod sa Public Order and Safety Division ay makakatuwang rin nila ang pulisya, opisyal ng barangay, mga guro sa paaralan, at mga kawani ng Schools Division Office.
Aniya, pangunahing bibisitahin ay mga paaralan na nasa low lying areas na posibleng burado o kupas na ang mga pintura dahil sa pagbaha.
Dahil hindi lamang batas trapiko ang tungkulin ng POSD kundi maging ang pagtiyak sa kaligtasan ng mga estudyante at guro, isa naman sa kanilang gagawin ay inspeksyunin ang mga upuan kung ligtas pa itong gamitin.
Tatanggalin din ang anumang mga gamit o bagay na sagabal sa daan tulad na lamang ng mga tambak na graba o buhangin, hollowblocks, abandonadong sasakyan sa gilid ng daan, at ilan pang bagay na posibleng magdulot ng trapiko.
Dagdag pa ni POSD Chief, makikipag tulungan sila sa mga opisyal ng barangay upang linisin at tanggalin ang ilang mga sanga ng punong kahoy para maging ligtas ang mga estudyante sa posibilidad ng pagbagsak ng sanga sa mga panahon ng kalamidad tulad ng bagyo.
Kaugnay sa brigada eskwela ng task force, inaasahan naman na lahat ng mga mag-aaral at guro ay makikiisa sa hangaring malinisan ang mga pasilidad na gagamitin sa pasukan.











