CAUAYAN CITY- Isinagawa sa Isabela Police Provincial Office ang case conference kaugnay sa pagbaril at pagbatay kasapi sa isang pulis ng Luna Police Station sa Cauayan City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, nagtungo na ang hepe sa IPPO kasama ang ibang imbestigador ng PNP-Cauayan City para talakayin ang posibleng pagbuo ng task force Argonza.
Magugunitang pinagbabaril ng riding in tandem suspect ang biktimang si SPO1 Eduardo Argonza, 40 anyos at residente ng Sipat Street, Barangay District 3, Cauayan City habang nakikipag-inuman kagabi sa kanyang mga kaibigan.
Napag-alaman pa ng Bombo Radyo Cauayan na isinugod pa sa pagamutan ang isa sa mga kasama ni SPO1 Argonza matapos tumaas ang kanyang blood pressure at ang isa nilang kasama ay nagulat din sa pangyayari.
Bagamat hindi na pinangalanan pa ang kanyang mga kasamahan ay kinuhanan pa rin sila ng pahayag ng pulisya at isasama sa case conference para sa pagkalutas ng krimen.
Unang sinabi ng hepe ng PNP-Cauayan City na si P/Supt. Narciso Paragas hindi nila inaalis ang accomplishment sa ilegal na droga na dahilan ng pagpatay sa biktima.
Ideneklarang dead on arrival sa pagamutan si SPO1 Argonza dahil sa maraming tama ng hinihinalang 9mm na baril batay na rin sa mga narekober na basyo ng bala.
Si SPO1 Argonza ay dating intelligence operative ng PNP-Cauayan City bago naitalagang patroller ng Luna Police Station.




