Kinilala na ang tatlong nasawi at sampung nasugatan sa banggaan ng isang dump truck, isang pampasaherong jeepney, at isang motorsiklo sa kahabaan ng National Highway sa Barangay Mambabanga, Luna, Isabela, pasado alas-9 ng umaga ngayong araw, Enero 21, 2026.
Batay sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo Cauayan, kumpirmadong nasawi sina John Rey Mendoza, 19-anyos, isang lalaking estudyante at 3rd year college na residente ng Barangay Del Pilar, Cabatuan; Mario Dela Cruz, 61-anyos, residente ng Barangay Harana, Luna na patungo sana sa kanyang dialysis; at Josephine Domingo, residente ng Barangay Sampaloc, Cabatuan na ipinagdiriwang sana ang kanyang kaarawan ngayong araw.
Samantala, agad namang isinugod sa pagamutan ang mga nasugatan. Kabilang dito ang drayber ng pampasaherong jeepney na si Federico Bangayan, residente ng Barangay Sampaloc, Cabatuan, kasama ang kanyang mga pasahero: isang 85-anyos na babae, senior citizen mula sa Barangay Barumbong, Santo Tomas; isang 25-anyos na buntis na babae na residente ng Barangay Magdalena, Cabatuan; isang 69-anyos na babae, senior citizen mula sa Barangay Saranay, Cabatuan; isang 19-anyos na babae na residente ng Barangay Daramuangan Norte, San Mateo; isang 50-anyos na babae mula sa Barangay Harana, Luna; isang 24-anyos na lalaki na residente ng Barangay Culing West, Cabatuan; isang 36-anyos na lalaking may asawa at ang kanyang 1-anyos na anak na lalaki, kapwa residente ng Barangay Sampaloc, Cabatuan; at isang 26-anyos na lalaki na nagmamaneho ng single motorcycle na residente ng Quezon, Isabela.
Matapos ang aksidente, agad na dinala ang mga biktima sa dalawang magkaibang ospital sa Lungsod ng Cauayan. Sa kasalukuyan, patuloy pang inoobserbahan ang kondisyon ng ilan sa mga nasugatan, kabilang ang isang sanggol, buntis, at mga senior citizen.
Samantala, walang natamong pinsala ang drayber ng dump truck at negatibo sa nakalalasing na inumin. Kasalukuyan din siyang nasa kustodiya ng PNP Luna para sa karagdagang imbestigasyon.











