CAUAYAN CITY – Nasugatan ang tatlong tao kabilang ang isang bata matapos mabangga ng isang SUV ang isang van sa pambansang lansangan na nasasakupan ng Buena Vista, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Kinilala ang tsuper ng SUV na si Maximillan Pascua, 45-anyos at residente ng San Nicolas, Bayombong, Nueva Vizcaya habang ang sakay nito ay ang 2-anyos na bata at residente ng Salvacion, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Ang tsuper naman ng Van ay si Armando Bautista Jr., 50-anyos habang ang sakay nito ay si Marivic Villalon, 47-anyos at kapwa residente ng San Jose, Nueva Ecija.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Bayombong Police Station, binabagtas ng dalawang sasakyan ang pambansang lansangan na nasasakupan ng Buena Vista, Bayombong patungong town proper.
Nabangga ng SUV ang sinusundan nitong Van dahilan upang mapunta ito sa kabilang linya at nahulog sa irigasyon.
Nagtamo ng sugat ang tsuper at sakay ng van maging ang batang sakay ng SUV habang maswerte naman na hindi nasaktan ang tsuper nito.
Dinala ang mga biktima sa pagamutan at nakalabas din.
Napag-alaman na nasa impluwensiya ng alak ang tsuper ng SUV at mabilis ang patakbo nito nang mangyari ang aksidente.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na may naaksidente sa lugar dahil itinuturing itong accident prone area.