CAUAYAN CITY – Nanawagan ang isang residente ng Brgy. Alinam matapos na nakawin ng mga hindi pa nakikilalang magnanakaw ang tatlong baka nito habang nakapastol.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jeilor Baddungon, may-ari ng nawawalang mga baka, sinabi niya na ipinastol nila ang tatlong baka sa lugar malapit sa kanilang bahay ngunit wala na ang mga ito nang kanilang balikan kinaumagahan.
Hinanap nila ang nasabing mga baka ngunit tanging mga putol na lubid na lamang ang kanilang natagpuan sa bahagi ng pinagsakyan sa mga hayop.
Ayon kay Ginoong Baddungon una nilang nakita ang ilang personalidad sa lugar na umaaligid at sinabing nangunguha sila ng damo at kahoy ngunit hinala nilang nagmanman ang mga ito sa nakapastol na mga baka.
Aniya ang dalawa sa baka ay buntis at tatlong taong gulang habang ang isa ay labing isang buwan pa lamang na lalaki.
Dahil hindi na nila mahanap ay nakipag-ugnayan na sila sa Alicia Police Station upang magpatulong sa paghahanap.
Nanawagan naman siya sa mga nakakita sa mga baka o sa mga buyer kung mayroon mang mag-aalok sa kanila ng nasabing mga baka na ipabatid sa kanila o sa mga kinauukulan.
Ayon kay Ginoong Baddungon, malulusog ang mga ito at buntis pa kaya nakakapanghinayang.
Nanawagan din siya sa mga nagnakaw na ibalik na lamang ang mga ninakaw na baka at itigil na ang ganitong masamang gawain.











