
CAUAYAN CITY – Dinakip ang tatlong lalaki kabilang ang isang menor de edad matapos silang maaktuhang gumagamit ng marijuana ng mga pulis sa gilid ng kalsada sa Brgy. Rizal, Santiago City.
Ang mga dinakip ay sina Dexter, labing walong taong gulang, Francis, dalawampong taong gulang at kapwa residente ng nabanggit na barangay at isang labimpitong taong gulang na mula naman sa San Andres, Santiago City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, habang nagroronda ang mga kasapi ng Mobile Patrol Unit ng Santiago City Police Office o SCPO sa nabanggit na barangay ay napansin nila ang kahina-hinalang kilos ng tatlong lalaki na nasa gilid ng kalsada.
Nang lalapitan na sila ng mga pulis ay dali-daling itinapon ng isa sa kanila ang isang nalukot na puting papel sa damuhan.
Nang siyasatin ng mga otoridad ang itinapong papel ay nakita nila ang nakabalot na hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana.
Nakita rin sa lugar ang ilang stick ng gamit na sigarilyo at hindi pa nasisindihang sigarilyo at isang lighter.
Agad na dinala sa himpilan ng pulisya ang tatlong lalaki na mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2002.










