--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang tatlong lalaki matapos na malunod sa ilog na nasasakupan ng Dicamay, San Mariano, Isabela.

Ang mga biktima ay sina Amar Manzano at Jojo Manzano na kapwa residente ng naturang lugar at Tirog Ramos, residente ng Macayu-cayu, San Mariano, Isabela.

Nasa impluwensya ng alak ang mga biktima nang magtungo sila sa Zanad Falls na konektado sa ilog na may lalim na sampu hanggang labindalawang talampakan.

Tumalon sa tubig ang isa sa mga biktima nang makakita ng makislap na bato na inakala umano nitong ginto subalit hindi nakaahon.

--Ads--

Nagpasya ang dalawa na iligtas ang kanilang kasama ngunit hindi na rin sila nakaahon mula sa tubig.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jayson Jimenez Villamor, residente ng naturang barangay, sinabi niya na ginalugad ng mga residente ang ilog at gabi na nang matagpuan ang katawan ng mga biktima.

Samantala, inihayag ni PSMSgt. Jhonimer Baingan,  imbestigador ng San Mariano Police Station na may kweba sa ilalim ng ilog at posibelng nagkatuwaan  ang mga biktima na pumasok sa loob at sila ay suffocate.

Ito rin ang dahilan kaya natagalan ang paghahanap sa katawan ng mga biktima dahil alas-10 ng umaga naganap ang insidente subalit gabi na sila naiahon.

Nakaburol na ang labi ng dalawa sa kanilang bahay habang agad namang inilibing si Ramos.

Muling nagpaalala ang pulisya sa mga nagtutungo sa lugar na mag-ingat at huwag pumasok sa kweba na nasa ilalim ng ilog upang hindi malunod.

Nakipag-ugnayan na rin sila sa mga opisyal ng barangay upang magbigay ng babala sa mga local tourist na nais magtungo sa lugar.

Tinig ni PSMSgt. Jhonimer Baingan.