--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang tatlong magkakaibigan matapos bumangga kaninang alauna ng madaling araw ang sinasakyan nilang motorsiklo sa nakaparadang heavy equipment sa national highway sa  Silauan Norte, Echague, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, kinilala ni PMaj Rogelio Natividad, hepe ng Echague Police Station sinabi niya na ang mga nasawi ay sina Heson Callangan, dalawamput limang taong gulang, tsuper ng motorsiklo; Arjay Gaffud, dalawamput-apat na taong gulang, binata at Kevin Want, dalawamput anim na taong gulang; pawang mga residente ng Maligaya, Echague, Isabela.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na ang tatlo ay galing sa bahay kainan sa tapat ng Isabela State University-Echague Campus at pauwi na sa barangay Maligaya nang bumangga ang sinakyan nilang motorsiklo sa  heavy equipment na nakaparada sa ginagawang daan.

Mabilis umano ang takbo ng motorsiklo at hindi napansin ang nakaparadang heavy equipment dahil madilim sa lugar at kulang ang road signages.

--Ads--

Sa lakas ng impact ay nagtamo ng malubhang sugat sa katawan ang mga biktima na naging sanhi ng kanilang kamatayan.

Wala ring suot na helmet ang tatlong magkakaibigan nang mangyari ang aksidente.