--Ads--

Ipinahayag ng helper ng resto bar kung saan unang nagpaputok si Police Staff Sgt. Bonifacio Saycon, na kasama niya sa bar ang hepe at dalawa pang kasamahan na siya ring binaril sa Sibulan, Negros Oriental.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Jumar Banagodos, nasa kanilang bahay siya nang tawagan upang pumunta sa bar dahil sa naganap na insidente ng pamamaril.

Ito ay dahil mayroon siyang dalawang hipag na babae na nagtatrabaho rin sa bar.

Ayon kay Banagodos, ang kanyang hipag ang unang tinawag upang mag-table sa mga pulis, ngunit tumanggi ito.
Sa halip, si Chiela Mae Dinawanao ang tumanggap ng alok.

--Ads--

Makikita sa inilabas na CCTV footage ng SAB Resto Bar na katabi ni Dinawanao ang hepe ng Sibulan Municipal Police Station na si Police Captain Jose Edrohil Cimafranca.Napag-alaman na nagdiriwang ng kaarawan ang hepe sa araw na iyon.

Kasama nila sa sofa ang dalawa pang iba, kabilang si Saycon na nasa dulo.
Ngunit ilang minuto lamang matapos maupo ang babae, tumayo si Saycon at binaril ito.

Ayon kay Banagodos, tatlong putok ang narinig sa unang pamamaril ni Saycon, at lumabas siya, ngunit bumalik at muling binaril ng dalawang beses sa ulo ang babae.

Makikita rin sa video na tila walang reaksyon ang hepe at ang mga kasama sa unang pamamaril, at sila lamang ay nagreact sa ikalawang putok.

Kinumpirma rin ni Banagodos na marami nang nainom na alak ang mga pulis bago naganap ang insidente.

Nasira naman ang harapang bahagi ng Mitsubishi Lancer ng hepe matapos bumangga nang sila ay lumabas sa bar.

Natukoy na habang papunta sa Sibulan Municipal Police Station, binaril din ni Saycon ang hepe at dalawa pang kasamahan na sina Police Senior Master Sgt. Tristan Chua at Patrolman Rey Albert Temblor.

Si Saycon ay umuwi pa sa kanilang bahay sa Barangay 7, bayan ng Tanjay, at siya ay sinamahan ng kanyang asawa at mga anak sa pagsuko sa Tanjay City Police Station alas-10:40 ng gabi.

Ang nasabing pahayag ay taliwas sa naunang statement na balak umanong arestuhin ng Hepe ang suspek batay na rin sa kuhang CCTV footage sa bar.