--Ads--

CAUAYAN CITY- Nadakip ang tatlong security Guards sa paglabag sa Election Gun Ban matapos makita ang 2 shotgun sa loob ng kanilang sasakyan sa Comelec Checkpoint sa Jones, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Election Officer Jericho John Cortez ng Comelec Jones, sinabi niya na ang mga pinaghihinalaan ay security personnel na nagre-refill ng mga pera sa mga ATM Machines sa iba’t ibang lugar sa Rehiyon.

Galing umano sila sa Lungsod ng Cauayan at patungong Maria, Aurora nang mapadaan sa Checkpoint sa bayan ng Jones.

Aniya, nakita umano ng mga kapulisan ang dalawang shutgon na nasa passenger seat ng sasakyan kaya naman agad nila itong hinanapan ng Certificate of Gun Ban Exemption.

--Ads--

May ipinakita naman umano silang papeles para sa certificate of exemption ngunit hindi pa ito aprubado dahil nasa proseso pa lamang sila ng application kaya naman inaresto ang mga ito.

Paliwanag naman ng mga suspek na ang mga dala nilang baril ay para sa security purposes lamang dahil kinakailangan nilang magdala ng malalaking halaga ng pera sa kanilang trabaho at rehistrado ang mga bitbit nilang baril.

Iginiit naman ni Election Officer Cortez na ang pagdadala ng baril sa pampublikong lugar nang walang certificate of exemption mula sa Comelec ay paglabag sa Election Gun Ban.