Umaasa ang Teacher’s Dignity Coalition (TDC) na magkaroon ng malawakang konsultasyon ang Department of Education pagdating sa proposal ng ahensya na magpatupad ng Trimester School Calendar.
Kung matatandaan, nitong Pebrero trese ay inanunsyo ni Education Secretary Sonny Angara ang plano ng kagawaran na gawing trimester system ang School Year 2026-2027 kung saan hahatiin ito sa tatlong academic terms na may mas mahabang panahon para sa pagtuturo at enrichment activities.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay TDC Chairperson Benjo Basas, sinabi niya na ikinagulat ng kanilang hanay ang naturang panukala dahil hindi sila kasali sa sinasabing konsultasyon na isinagawa ng kagawaran.
Aniya, marapat lamang na mapakinggan ang pananaw ng mga guro, mag-aaral at iba pang stakeholders hinggil sa naturang usapin upang matiyak na maging epektibo ang programa.
Iginiit nito na bukas ang TDC sa mga bagong programa subalit hiling lamang nila na makita ang kabuuang plano upang malaman ang mga pros and cons nito sa education system ng bansa, at sa mga mag-aaral at kaguruan.











