--Ads--

Ikinatuwa ng Teachers Dignity Coalition ang naging resulta ng Bicameral Conference Committee matapos aprubahan ang mas mataas na pondo para sa sektor ng edukasyon sa panukalang 2026 national budget.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Benjo Basas, Chairperson ng Teachers Dignity Coalition, ang mas mataas na pondo ay nangangahulugan ng mas maayos na serbisyong pang-edukasyon para sa mga guro at mag-aaral. Iginiit din niya na naaayon ito sa saligang batas na nagsasaad na dapat tumanggap ng pinaka malaking bahagi ng budget ang sektor ng edukasyon.

Gayunman, binanggit din ni Basas na noong 2025 ay hindi ito nasunod matapos mas lumaki ang pondo ng DPWH kaysa sa pinagsamang budget ng DEPED, CHED, TESDA at mga state universities and colleges. Dahil dito, naghain umano sila ng petisyon sa korte suprema upang kuwestiyonin ang konstitusiyonalidad ng naturang budget.

Dagdag niya, mahalagang masunod ang probisyon ng saligang batas upang matiyak ang pangmatagalang solusyon sa mga suliranin sa edukasyon.

--Ads--