May panawagan ang Teacher’s Dignity Coalition sa Kongreso na maging bahagi sa ginagawing imbestigasyon ng Kagawaran ng Edukasyon o DepEd kaugnay sa natuklasang iregularidad o ghost students sa implementasyon ng Senior High school voucher program (SHVP).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay TDC Chairperson Benjo Basas , sinabi niya na malaking pera ang nawawala sa pamahalaan dahil sa pagkakaroon ng ghost student.
Aniya ang Senior High school voucher program ay isang subsidy ng Pamahalaan para sa mga mag-aaral sa pribadong Paaralan sa buong bansa.
Panawagan nila na sana ay hindi magamit ang naturang programa para sa katiwalian at maayos ang implementasyon nito.
Dapat aniya ay magsagawa ng malalimang imbestigasyon para mapanagot ang sinong dapat na managot.
Panawagan nila sa Kongreso na gamitin ang oversight function para silipin ang K-12 program ng pamahalaan at mareview ang anumang butas o gusot sa naturang programa.
Maaaring gamitin din itong pagkakataon para matalupan ang anumang iregularidad sa pagpapatupad ng programa.
Giit ng grupo ang Senior High School Voucher Program ay hindi pangmatagalang solusyon kundi pasamantalang tulong lamang sana mula sa DepEd.
Kailangan ngayon na mas higpitan ang mga regulasyon at panagutin ang sinomang nasa likod ng maanomalyang “ghost students”.










