
CAUAYAN CITY – Tinatalakay na ng technical working group ng Commission on Election (COMELEC) ang mga panuntunan na ipapatupad sa gitna ng pandemya sa darating na eleksyon 2022.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Jerbee Cortez, Assistant Regional Director ng COMELEC Region 2 at miyembro ng technical working group ng COMELEC na sa ngayon ay wala pang pinal na napag-uusapan kaugnay sa ipapatupad na panuntunan sa darating na halalan.
Gayunman pangunahin sa mga napag-uusapan sa ngayon ay ang filing of certificate of candidacy.
Napag-uusapan aniya na per position na lamang ang paghahain at hindi na papasukin ang lahat ng gustong sumama sa isang kandidato para maiwasan ang maraming tao.
Pagdating naman sa kampanya ay ang IATF resolution na ang may kontrol.
Posible naman aniyang isama sa imomonitor ang social media sa panahon ng pangangampanya dahil siguradong ito ang gagamitin ng karamihan bunsod pa rin ng pandemya.
Sa mismong araw naman ng halalan ay dapat vaccinated na ang mga electoral board gayundin ang iba pang magbibigay ng serbisyo.
Ang oras naman ng halalan ay maaring mapalawig para maiwasan ang maraming tao sa mga presinto.
Sa kabila nito ay binigyang diin ni Atty. Cortez na wala pang polisiya tungkol dito pero asahan na ano mang araw mula ngayon ay ilalabas na ito ng COMELEC.










