
CAUAYAN CITY – Maglulunsad ang DOST Region 2 ng telehealth center sa darating na buwan ng Hunyo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Engr. Sancho Mabborang, Regional Director ng DOST Region 2 na sa susunod na buwan ay ilulunsad nila ang telehealth center na parang telemedicine.
Nakipagkasundo sila sa pamahalaang lunsod ng Cauayan sa pamamagitan ni Mayor Bernard Dy at sa pangulo ng Isabela State University o ISU System na si Dr. Ricmar Aquino para sa proyektong ito ng DOST Region 2.
Aniya, kakailanganin nila rito ang ilang estudyante, doktor at nurses ng Isabela.
Layunin aniya ng telehealth center na ito na mabigyan ng kaukulang atensyon at medical treatment ang mga may COVID-19 na mild to moderate cases at nasa quarantine facilities o nakahome quarantine.
Mayroon aniya itong 20 stations sa Isabela State University.










