CAUAYAN CITY- Inihayag ng Alkalde ng Lungsod ng Cauayan na mahina na ang pundasyon ng Alicaocao Overflow Bridge kaya kinakailangan itong kumpunihin.
Matatandaan na naglabas ng abiso ang pamahalaang lokal kaugnay sa temporary closure ng nasabing tulay epektibo simula Agosto 19 ngayong taon hanggang sa ikalawang araw ng Setyembre para bigyang daan ang pagsasaayos sa approach nito.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Cauayan City Mayor Ceasar “Jaycee” Dy Jr., sinabi niya na nang minsan siyang dumaan sa Alicaoao Bridge ay napansin nito na may basag ang approach ng tulay.
Agad naman niya itong ipinasuri sa City Engineering Office at dito nakumpirma na natatanggal na ang ilalim na bahagi ng overflow bridge kaya naman agad nilang pinondohan ang pagsasaayos dito.
Aabot naman sa 10-12 milyon ang inilaan na pondo para rito na kinuha nila mula sa Emegency Fund ng pamahalaang lokal.
Pinag-iisipan naman nila kung pwedeng buksan para sa one way ang ilang bahagi ng tulay ngunit mas matatagalan ang konstruksyon habang aabutin lamang ng mahigit isang linggo ang pagsasaayos sa naturang tulay kung pansamantalang isasara ang kabuuan nito.
Paglilinaw naman ng Alkalde na hindi nila intensyong itaon sa pasukan ang pansamantalang pagsasara sa tulay, naitaon lang aniya sa pagsisimula ng klase dahil kamakailan lamang nila napansin ang sira sa nito.
Samantala, kasalukuyan na ang konstruksyon ng all weather bridge na nagkokonekta sa Barangay Cabaruan at Mabantad na maaaring gawing alternatibo kung sakaling hindi madaanan ang Alicaocao Overflow Bridge.
Naglaan naman sila ng panimulang pondo na 100 milyon para sa ginagawang tulay kung saan aabutin naman ng dalawang hanggang tatlong taon ang konstruksyon nito.