Binigyang-linaw ni Gobernador Rodolfo ‘Rodito’ T. Albano III na tanging light vehicles lamang ang pinapayagang dumaan sa pansamantalang steel bridge sa Cabagan–Sta. Maria Bridge.
Ayon sa kanya, ito ay upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng motorista, lalo na dahil pansamantala pa lamang ang kasalukuyang tulay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, pinapayuhan ni Gobernador Albano ang lahat ng may-ari ng heavy vehicles na iwasang dumaan sa pansamantalang tulay sa ngayon. Ani niya, inaasahang matatapos ang pansamantalang tulay ngayong buwan ng Marso, ngunit hanggang sa ganap na mapatibay ang tulay, mahigpit ang limitasyon sa bigat ng sasakyan para sa kaligtasan ng publiko.
Samantala, ipinaalam ng Gobernador na popondohan pa ng National Government ang Cabagan–Sta. Maria Bridge upang tuluyang tumibay at maging matibay para sa pagdaan ng mabibigat na sasakyan.
Aniya, kapag nasimulan na ang pagpapalagay ng mga poste at pagpapalakas ng estruktura, aabutin ito ng humigit-kumulang 6 hanggang 9 na buwan bago ganap na tumibay ang tulay. Pagkatapos ng prosesong ito, saka lamang papayagang dumaan ang mga truck at iba pang heavy vehicles na may mabibigat na kargamento.










