--Ads--

CAUAYAN CITY – Isinagawa ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA Isabela ang mass graduation sa mga TESDA Scholars sa lalawigan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Provincial Director Vilma Cabrera ng TESDA Isabela na halos patapos na ang lahat ng kanilang scholarship programs na nagsimula noong Pebrero.

Kabilang sa mga ito ang Training for Work Scholarship Programs o TWSP at Tulong Trabaho Scholarship Programs.

Ang Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF na apat na buwang scholarship para sa mga Rice Farmers beneficiaries ay natapos na dahil tapos na rin ang anihan.

--Ads--

Mayroon din silang mga STEM scholars o ang Skills Training for Employment Program at scholarship program para sa mga coconut farmers gayundin ang Private Education.

Umaasa sila na matatapos na ang lahat ng ito bago ang buwan ng Disyembre dahil ang puntirya nila ay matapos ang lahat ng scholarship program hanggang sa ikalabinlima ng Oktubre dahil kailangan din nilang magreport para sa kanilang financial accomplishment sa kanilang central office.

Tiniyak ni Provincial Director Cabrera na naassessed at certified na ang mga scholarship na ito kaya ibig sabihin ay mayroon na silang kaukulang National Certificate na NC2 at NC3.

Kapag mayroon na aniyang National Certificate ay employable na ang mga scholars local at international at mayroon nang nag-aabang sa kanila na mga trabaho.

Patuloy pa rin naman ang kanilang monitoring sa kanilang mga scholars sa pamamagitan ng face to face o online para matiyak na may kalidad talaga ang mga natutunan nila sa programa ng TESDA.

Ayon pa kay Provincial Director Cabrera, bukod sa mga scholarship programs ay mayroon din silang mga regular programs tulad ng Community Based Training Program na libre rin pero nasa tatlo hanggang limang araw lang at mayroon din silang diploma programs na ang mga nagpapatupad ay ang mga piling unibersidad sa Isabela.

Sa Pebrero ay uumpisahan nanaman nila ang pagpapatupad sa kanilang mga short terms programs kaya hinikayat nila ang mga gustong sumailalim sa mga programa ng TESDA na magpalista na sa mga TESDA Administered Schools.