Arestado ang isang TESDA student sa ikinanasang anti-illegal drug buybust operation ng otoridad sa San Fermin, Cauayan City matapos maaktohang nagtutulak ng illegal na droga.
Ang suspek ay itinago sa alyas na Edie, 39-anyos, residente ng Brgy. Labinab, Cauayan City na tinagurian bilang street level individual.
Batay sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, napag-alaman na hindi na rin nagpumiglas pa ang suspek dahil aminado itong nagtutulak ng illegal na droga matapos mahuli ng tatlong beses sa kaparehong krimen.
Ang suspek ay dati na ring nasangkot sa illegal na droga taong 2015 at 2020 dahilan upang subaybayan ng mga otoridad ang kilos nito hanggang sa makumpirmang nagtutulak pa rin ng illegal na droga.
Naging matagumpay ang operasyon matapos na bentahan ng suspek ang pulis na nagpanggap na buyer ng 1 heat sealed transparent sachet na naglalaman ng methamphetamine hydrocloride na hinihinalang shabu, may timbang na 0.30 grams na may standard market value na P2000; at isa pang plastic sachet na naglalaman ng white crystalline substance na hinihinalang shabu (seized item).na may timbang na 0.08 grams.
Bukod sa illegal na droga ay nakumpiska pa ang 500 pesos genuine money , 1500 boodle money, cellphone, at candy wrapper.
Ang operasyon ay naging matagumpay sa pagtutulungan ng PNP Isabela katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 2 .
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Cauayan City Police Station ang suspek maging ang mga nakumpiskang ebidensya para sa pag proseso ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.











