--Ads--

Hindi naging hadlang kay Mark Agcaoili, ang tinaguriang “Paa artist ng Isabela” ang kanyang kapansanan para abutin ang kanyang pangarap na maging isang kilalang artist.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Michael Castillo, manager ni Mark Agcaoili na isang paa artist na 2018 nang makasama niya si Mark.

Nagkaroon sila ng panawagan sa social media sa lahat ng artist sa Isabela noong itinatag nila ang Isabela Artist Circle at si Mark ang kauna-unahang tumugon at sumali sa kanilang mga exhibit.

Aniya, nakikita na niya noon si Mark sa social media pero hindi pa ganoon kagaling sa art gayunman sa paglipas ng panahon ay nahasa siya hanggang sa marating ang kung ano siya ngayon at kaya na niyang maipagmalaki ang kanyang mga gawa.

--Ads--

Ayon pa kay Castillo, ang nakapaghikayat sa kanya na imanage si Mark ay ang kanyang kakayahan.

Sa katunayan ay hindi nila itinuturing na isang person with disabilities o PWD si Mark dahil sa hindi pangkaraniwan na kanyang kakayahan.

Makikita aniya sa kanyang mga artwork ang dedikasyon nito.

Aniya, mula pagkabata ay mahilig na si Mark sa pagguhit gamit ang kanyang mga kamay.

Noong labing isang taong gulang siya ay nagkaroon siya ng sakit na Meningitis at naparalyzed ang kanyang mga kamay.

Naapektuhan din ang kanyang pagsasalita kaya hindi na nakakapagsalita pa.

Sa kabila nito ay hindi siya nawalan ng pag-asa na maabot ang kanyang pangarap na maging kilalang artist at unti-unti ay sinanay niya ang kanyang mga paa sa pagguhit.

Mahilig aniyang manood si Mark ng mga tutorials ng mga sikat na artist at sila ang nagbibigay ng inspirasyon sa kanya gayundin ang mga kapwa niya artist sa Isabela.

Halos lahat ay kaya nitong gawin pero pinaka-expertise niya ang color pencil kung ang pag-uusapan ay medium dahil mahilig talaga siya sa kulay.

Pinakamahal naman na nabenta sa kanyang mga gawa ay ang kay Cong. Inno Dy na nasa pitumpu’t limang libong piso habang nasa anim na libo pataas naman ang iba pa niyang gawa.

Sa ngayon, dahil sa kanyang mga artwork ay nakikilala na siya ng mga kilalang tao sa bansa.

Payo naman ni Castillo sa lahat na huwag hayaang maging hadlang ang kapansanan o ano mang pinagdadaanan sa buhay para abutin ang pangarap.