Pumanaw na ang tinaguriang “Sleeping Prince” ng Saudi Arabia na si Prince Al-Waleed bin Khaled bin Talal Al Saud, matapos ang dalawang dekadang pagkaka-coma dulot ng isang malubhang aksidente noong 2005.
Kinumpirma ng kanyang ama na si Prince Khaled bin Talal Al Saud ang pagpanaw ng kanyang anak nitong Hulyo 19 sa pamamagitan ng isang pahayag sa social media platform na X (dating Twitter).
Ibinahagi rin niya ang isang larawan ni Prince Al-Waleed na nakapikit.
Maging ang Royal Court ng Kingdom of Saudi Arabia ay ini anunsiyo rin ang pag panaw ni Al-Waleed.
Si Prince Al-Waleed ay 15 taong gulang lamang nang masangkot sa isang matinding car accident habang nag-aaral bilang military cadet sa London. Dahil sa aksidente, nagtamo siya ng matinding pinsala sa utak at isinailalim sa life support mula noon.
Nanatili siya sa King Abdulaziz Medical City sa Riyadh, kung saan regular siyang binibisita at ipinagdarasal ng kanyang pamilya, kabilang na ang kanyang ama na walang sawang nagbahagi ng mga larawan at video sa social media ng kanilang mga panalangin para sa paggaling ng prinsipe.
Bagamat minsang nagpapakita ng bahagyang galaw, hindi na muling nagkamalay si Prince Al-Waleed sa loob ng 19 na taon.
Si Prince Khaled ay kapatid ni Prince Al Waleed bin Talal Al Saud, isa sa mga kilalang negosyante sa Saudi Arabia, at apo ng founder ng Kaharian ng Saudi Arabia na si King Abdulaziz.
Inaasahang ililibing si Prince Al-Waleed sa Riyadh alinsunod sa tradisyong Islam. Patuloy ang pagdalamhati ng royal family at ng mga mamamayan na tumangkilik sa kanyang kwento ng pag-asa at pagmamahal ng pamilya.








