--Ads--

CAUAYAN CITY –  Pormal nang tinanggap ni Pope Francis ang pagbibitiw sa puwesto ni Bishop Joseph Amangi Nacua ng Diocese of  Ilagan  sa Isabela. 

Ito ang inihayag sa Bombo Radyo Cauayan  ni Fr. Vener Ceperes, ang kura paroko ng St. Rose of Lima Parish ng Gamu, Isabela.

Ayon kay Fr. Ceperes, tanghali noong araw ng Sabado sa Rome, Italy  habang alas siyete ng gabi sa Pilipinas ay tinanggap ng Santo Papa ang pamamahinga ni Obispo Nacua.

Dahil dito,  ang Diocese ng Ilagan ay matatawag na sede vacante o walang tagapamuno.

--Ads--

Ayon pa kay Fr. Ceperes, si Bishop Prudencio Andaya ng lalawigan ng Kalinga ang siyang magiging administrador ng Diocese ng Ilagan habang wala pang itinatalaga ang Vatican na kapalit ni Bishop Nacua.

Si Bishop Nacua ay  nakaranas ng  stroke noong nakaraang taon ngunit nasa maayos nang kalagayan at ipinagpatuloy na gampanan ang tungkulin bilang obispo ng Diocese of Ilagan hanggang magdesisyon na magsumite ng kanyang resignation sa Santo Papa.

Si Bishop Nacua, 72 anyos   ay ipinanganak noong January 5,  1945 sa Mankayan, Benguet. Makaraang magtapos sa sekundarya ay kumuha siya ng philosophical studies Capuchin House of Studies sa Kerala, India at ang theological studies sa Capuchin Theology House sa Pamplona, Navarra, Spain.

Kinuha niya ang kanyang Master of Arts degree sa Asian Social Institute of Manila, ang kanyang licentiate sa Spirituality sa Pontifical University Gregoriana sa Rome, Italy at ang kanyang Doctoral sa Spirituality sa St. Bonaventure University sa New York City.

Naordinahan siya bilang pari noong June 26,  1971. Mula 1971 hanggang 1974 ay naging Guardian at Rector siya ng Our Lady of Lourdes  Seminary sa Lipa City, Batangas.

Ang kanyang episcopal ordination ay ginanap noong August 19,  2008 sa St. Joseph the Worker Cathedral sa Ipil, Zamboanga-Sibugay.

Mula 2000 hanggang 2006 si Bishop nacua ay naging Definitor General for Asia sa The General Curia of the Capuchins sa Rome, Italy.

Mula 2006 hanggang 2008 ay naging parish priest siya ng St. Isidro Labrador parish sa Titay,  Zamboanga Sibugay.

Si Bishop Nacua  ay itinalaga ni Pope Benedict the XVI  bilang obispo ng Diocese of Ilagan  noong June 10,  2008.