Inaresto ng mga awtoridad ang isang tindera matapos makumpiskahan ng hinihinalang smuggled cigarettes sa ikinasang buy-bust operation ng magkasanib na pwersa ng Pulisya at iba pang law enforcement agencies sa Dacanay St. San Fermin, Cauayan City.
Itinago ang suspek sa alias na “Reyna,” 32-anyos may asawa, at may-ari ng isang sari-sari store.
Isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad kaugnay sa pagbebenta nito ng smuggled na sigarilyo dahilan upang sila’y magsagawa ng buy-bust operation katuwang ang Bureau of Internal Revenue (BIR) Region 2.
Sa operasyon ay nakabili ang poseur buyer ng 10 ream ng Martial Cigarette at 15 ream ng RGD Cigarette na nagkakahalaga ng 9,250 pesos.
Nabigo naman ang suspek na magpakita ng legal na dokumento ng mga sigarilyo dahilan upang siya’y arestuhin ng mga awtoridad.
Kusa na ring isinuko ng suspek ang iba pang smuggled cigarettes na lantad na naka-pwesto sa loob kaniyang tindahan na may kabuuang tinatayang halaga na ₱133,760.
Ang suspek at ang nakumpiskang ebidensya ay nasa kustodiya na ng Cauayan City Police Station para kaukulang disposisyon.
Nakipag-ugnayan na rin ang Pulisya sa BIR, at City Legal Office para sa pagsasampa ng kaso laban sa suspek dahil sa paglabag sa National Internal Revenue Code of 1997 kaugnay ng Republic Act 10863.
Nagpapatuloy ang isinasagawang pagsisiyasat ng mga awtoridad upang matukoy kung may iba pang indibidwal na sangkot sa ilegal na bentahan ng ilegal na sigarilyo sa Lungsod.










