CAUAYAN CITY- Aminado ang Tactical Operations Group o TOG 2 na isa sa kinahaharap nilang hamon sa trabaho ay ang pagtago ng sikreto kaugnay sa bombing operation na isasagawa sa isang lugar.
Ito ay matapos ang usapin ng sunod sunod na pagpapalipad ng air asset sa Tuguegarao City at Peñablanca sa kanilang nakaraang operasyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Col. Glenn Piquero, Group Commander ng Tactical Operations Group 2 Philippine Air Force sinabi niya na tuloy tuloy pa rin ang pagtugis nila sa mga kalaban ng pamahalaan sa mga lugar sa Cagayan.
Napipilitan aniyang gumamit ng air asset at bomba ang kanilang hnay upang hindi na makapanggulo pa ang mga remnants o natitirang miyembro ng makakaliwang grupo.
May mga pagkakataon na nalalaman ng mga residente ang nakatakdang gawin na bombing operation kaya kinakailangan nilang ikansela agad ang operasyon upang hindi lalong maalarma ang mamamayan.
Kaugnay nito, humihingi ng paumanhin ang Air Force sa alarmang naidulot nila sa Tuguegarao City at Peñablanca.
Siniguro naman ni Col. Piquero na hindi sila naghahatid ng bomba sa lugar na may civilian.
Bukod dito, may kapabilidad aniya ang Air Force na mag sagawa ng operasyon sa kahit anong oras dahil handa sila sa anumang pangyayari.