
CAUAYAN CITY – Hinikayat ng Tactical Operation Group 2 o TOG2 ang mga kabataang nagnanais na maging bahagi ng Philippine Air Force o PAF.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa TOG2, bukas ang kanilang tanggapan at kasalukuyan na ang kanilang recruitment para sa Philippine Air Force Candidate School and Special Enlistment.
Ang pagsusulit para sa recruitment ng PAF ay magsisimula sa ikasiyam hanggang ikalabing dalawa ng Abril.
Noong Huwebes ay nagkaroon ng mahabang pila ng mga aplikante at karamihan sa mga nag-apply o nagnanais na maging kasapi ng Philippine Air Force ay mga fresh graduates pa lamang.
Nasa isang daan dalawampu’t lima na ang kabuoang bilang ng kanilang aplikante at labing-apat sa kanila ay mga Licensed Professionals.
Hindi tinatanggap ng TOG2 ang mga walk-in applicants alinsunod pa rin sa umiiral na guidelines kontra COVID-19.
Ang requirements para sa Philippine Air Force ay kailangang Degree Holder habang sa Special Enlistment naman ay K to 12 graduate o nakatapos ng 72 units sa mga undergraduate.
Kailangan ang PSA Birth Certificate, Transcript Of Record, kopya ng Diploma, 2×2 ID picture at whole body picture para sa pag-aapply.
Sa ngayon ay tuluy-tuloy ang kanilang recruitment process para sa mga nagnanais na makapasok sa AFP at Special Enlistment.










