CAUAYAN CITY – Nagpaliwanag ang pamunuan ng Tactical Operations Group 2 ng Philippine Air Force (TOG2, PAF) sa umano’y tila hunger games na pamamahagi ng ayuda sa ilang lugar sa Cagayan na matinding binaha.
Matantandaang nag-viral sa social media ang video ng isang helikopter ng PAF na nagbagsak ng relief goods sa mga residente na nilagyan ng caption na ‘The Hunger Games’ dahil sa tila umanoy pinahirapan ang mga residenteng makakuha ng kanilang mga ayuda.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Col. Augusto Padua, commander ng TOG2, sinabi niya na dahil sa maputik at malambot ang lupa na lalapagan ng helikopter ay nagpasya ang piloto na ibagsak na lamang ang mga relief goods.
Mas mapanganib aniya kung pipilitin ng piloto na ilapag ang helicopter na may bigat na hanggang limang tonelada sa malambot at maputik na lupa dahil maaari itong dumikit at magdulot ng aksidente.
Kung mangyayari ito ay hindi lamang mga operatiba ng PAF ang maaaring mapinsala kundi maging ang mga residenteng nag-aabang sa baba.
Ipinagkibit-balikat ni Col. Padua ang nasabing issue at iginiit na mas pinagtutuunan nila ng pansin ang pagtulong sa mga higit na nangangailangan .
Binigyang-diin ni Col. Padua na sa halip na mambatikos ay mas magandang pagtuunan ng pansin ang mga positibong pangyayari tulad ng pag-aalay ng mga bulaklak ng ilang kabataan sa Cagayan sa mga naghatid ng ayuda sa mga residente.