--Ads--

Itinapon na lamang ng ilang mga magsasaka sa Kasibu, Nueva Vizcaya ang mga inani nilang kamatis na hindi nabebenta bunsod ng labis na suplay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Bhong Harris Calacal, magsasaka ng kamatis, sinabi niya na sa ngayon ay naglalaro na lamang sa 7 pesos hanggang 10 pesos ang presyo ng kamatis sa merkado depende sa kalidad nito.

Nagbabagsak umano sila ng kamatis sa Nueva Vizcaya Agricultural Terminal (NVAT) at kung hindi ito mabili sa loob ng dalawang araw ay ipinapamigay at itinatapon na lamang nila ang mga ito.

Hindi lang umano siya ang nagtatapon ng kamatis dahil maging ang mga kapwa nito magsasaka na nagtamim din ng kamatis ay ibinabasura na lamang ang kanilang mga ani.

--Ads--

Bagama’t tone-tonelada ang kanilang mga itinatapon ay umaabot lamang sa humigit kumulang 12,000 pesos ang halaga nito dahil sa mababang presyo.

Marami kasing suplay ng kamatis ngayon dahil harvest season din sa mga karatig na lalawigan ng Nueva Vizcaya.

Panawagan naman nila sa pamahalaan na sana ay magkaroon ng storage facility kung saan nila maaaring iimbak ang kanilang mga produkto maging ang mga preservation facility kung saan pwedeng gawing tomato jam ang kanilang produkto upang mapakinabangan.