--Ads--

CAUAYAN CITY – Muling nakasabat ang pulisya ng isang truck na naglalaman ng tone-toneladang illegal na mineral ore sa bayan ng Bayombong, Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Jolly Villar, Public Information Officer, Nueva Vizcaya Police Provincial Office sinabi niya na nasabat ng mga kasapi ng Bayombong Police Station katuwang ang Nueva Vizcaya Provincial Intelligence Unit at DENR ang isang truck na naglalaman ng mga saku-sakong suspected mineral ore sa Brgy. Buenavista, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Aniya aabot sa 540 na sako ng mineral na tinatayang nasa 21,600 kilos ang laman ng truck na minaneho ng isang Alyas Mario, limampung taong gulang kasam ang isang alyas Jerick, apatnaput walong taong gulang at alyas Warren, tatlumput dalawang taong gulang at isang negosyante na nagmamay-ari ng ore.

Ayon sa may ari, hinakot lamang nila ito sa bayan ng Solano at nakatakdang dalhin sa Bulacan para doon iproseso.

--Ads--

Isinailalim naman sa laboratory examination ang suspected ore upang malaman ang end product nito na maaring naglalaman ng metal kaya ito minimina.

Ayon kay PMaj. Villar kasamahan ito ng mga nahuli sa Solano Nueva Vizcaya ng mga kasapi ng Bagabag Police Station nitong nakalipas na araw.

Sa ngayon ay inihahanda na ng pulisya ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act No. 7942 o Philippine Mining Act of 1995 laban sa mga nahuling suspek.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya kung mayroong malaking grupo na nasa likod ng pagmimina ng ore sa Nueva Vizcaya dahil sa dami ng taong nahuli at laki ng volume ng mineral na nakumpiska.