Idineklarang ‘Winner by Default’ si Philippine National Police Chief P/Gen. Nicolas Torre III sa charity boxing match nito kay acting Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte matapos hindi sumipot ang Alkalde sa laban.
Una nang sinabi ni Duterte na hindi siya available ng Linggo dahil mayroon siyang mga prior commitment.
Ayon sa organizers, may sapat na oras at abiso kay Duterte upang dumalo, ngunit ito ay nasa Singapore, kasama ng kaniyang pamilya.
Marami naman ang nanghinayang sa posibilidad na makitang magkaharap ang dalawang personalidad sa ring.
Matapos ang hindi natuloy na laban, namahagi ng tulong si Torre sa mga taga Baseco Compound na nasalanta ng bagyo at habagat.
Bitbit niya ang relief items tulad ng bigas, canned goods, tubig, gamot, at hygiene kits para sa mga residente.
Ang Baseco ay kabilang sa mga pinaka-naapektuhan ng magkakasunod na bagyo sa nakalipas na linggo.
Kasama sa relief operation ang mga tauhan ng PNP Community Affairs and Development Group (CADG).
Ayon kay Torre, mas mahalaga ang makatulong, kaysa magpakasikat sa ring.
Gayunpaman, tiniyak ng PNP na handa si Torre kung sakaling ituloy ang laban sa ibang araw.







