--Ads--

Nag-abiso ang lokal na pamahalaan ng Cauayan partikular ang Public Order and Safety Division (POSD) na kanilang pagbabawalan ang mga traders na magbilad ng mais at palay sa kalsada.

Bagaman bawal sa mga traders ang magbilad sa National, Provincial, o Barangay Road ay pahihintulutan naman ang mga small farmers.

Sa pakikipag ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na nitong buwan ng Marso lamang ay nakipag-ugnayan sila sa mga opisyal ng barangay Nungnungan, Nagrumbuan, at Tagaran.

Sa kanilang pakikipag-ugnayan ay naatasan aniya ang mga opisyal ng barangay upang bisitahin ang mga bypass road sa kanilang nasasakupan para matiyak na walang traders na nagbibilad sa lugar.

--Ads--

Sa mga barangay at provincial roads ay tanging ang kalahati lamang ng kalsada ang pwedeng gamitin ng mga farmers, habang ang mga bypass road naman ay sa shoulder lane lamang.

Dagdag pa ni POSD Chief, binibigyan ng konsiderasyon na makapagbilad ang mga farmers dahil nauunawaan ng pamahalaan ang hirap ng mga magsasaka lalong lalo na at mababa ang presyo ng mais at palay.