Ipinahayag ni Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr. na tampok ang kombinasyon ng tradisyonal at modernong konsepto sa pagdiriwang ng Silver Cityhood Anniversary ng Cauayan City kasabay ng nalalapit na Gawagaway-yan Festival.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa alkalde, sinabi niyang isa sa mga inaabangang bahagi ng selebrasyon ay ang pagpapakita ng kasaysayan ng lungsod mula sa pagiging munisipalidad hanggang sa ganap na pagiging siyudad.
Ayon pa kay Mayor Dy, layunin nitong ipakita sa mga Cauayeño ang pinagmulan ng lungsod at ang pag-unlad nito sa paglipas ng panahon hanggang sa kasalukuyang modernong estado.
Dagdag pa ng alkalde na tampok din sa pagdiriwang ang ISCENE, na sumisimbolo naman sa patuloy na pagyakap ng lungsod sa inobasyon at modernong kaunlaran.
Bukod dito, inaasahan din ang ilang bagong aktibidad sa selebrasyon tulad ng drifting at iba pang makabagong events na layong magbigay ng kakaibang karanasan sa mga residente at bisita.
Nagpahiwatig din si Mayor Dy na magkakaroon ng mas maraming konsiyerto na maaaring abangan hindi lamang ng mga Cauayeño kundi pati ng mga makikiisa sa pagdiriwang ng Gawagaway-yan Festival.
Isa sa mga inaasahang konsiyerto ay gaganapin sa mismong pagbubukas ng selebrasyon sa March 31. Gayunman, hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa inilalabas ng mga organizer kung sinu-sino ang mga artistang magtatanghal sa naturang mga konsiyerto.
Tinatayang nasa apat na konsiyerto ang nakaplanong ihatid ng pamahalaang lungsod bilang bahagi ng pagdiriwang upang magbigay aliw sa mga residente ng lungsod at sa mga bisitang dadalo sa festival.








