
CAUAYAN CITY – Nasugatan at nagkaroon ng fracture o bali sa katawan ang isang traffic enforcer sa lunsod ng Ilagan matapos mabangga ng isang trailer truck na nawalan ng preno.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Traffic Group Supervisor Sherwin Balloga, sinabi niya na nagmamando ang kanilang enforcer sa kahabaan ng lansangan sa harapan ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) nang mangyari ang aksidente.
Batay sa kanilang pakikipag-usap sa tsuper ng truck nasa pababang kalsada pa lang siya nang mapansin niyang wala ng preno ang kanyang minamanehong sasakyan na naglalaman ng saku-sakong palay habang patungo sa timog na direksyon.
Dahil napansin niyang maraming sasakyan at tao sa timog na direksyon ay ibinaling niya sa hilagang direksyon kung saan walang gaanong sasakyan.
Kasalukuyan namang nagmamando ang isang enforcer at hindi napansin ang paparating na truck dahil nakatalikod ito.
Nang malapit na ang truck ay saka lamang niya napansin kaya nataranta siya at sinubukang tumakbo ngunit sa kanyang tinakbuhan naman patungo ang sasakyan na naging dahilan ng kanyang pagkabangga.
Dumeretso pa ang sasakyan at inararo ang mga barikada sa gitna ng kalsada at nasagi ang ilang sasakyan.
Naipit din ang isang sasakyan sa lugar kung saan tumigil ang truck.
Ayon kay Balloga malayu-layo na ang pinuntahan ng trailer truck dahil lumagpas pa sa tulay at natigil na lamang nang humambalang sa harapan ang isang crosswind van na nabangga nito.
Ayon sa tsuper nataranta na rin siya at hindi na alam ang kanyang gagawin kaya ibinaling na lamang niya ang manibela sa mas kakaunting sasakyan at pedestrian.
Galing umano sila sa lalawigan ng Cagayan at pauwi na ng Nueva Ecija nang mangyari ang aksidente.
Sa kasalukuyan ay nasa pangangalaga na ng City of Ilagan Police Station ang tsuper ng truck at pahinante nito.
Pinaalalahanan naman ni Ginoong Balloga ang mga motorista pangunahin na ang mga may hawak na malalaking sasakyan na laging mag-ingat at suriin ng mabuti ang sasakyan bago bumiyahe upang makaiwas sa aksidente.










