CAUAYAN CITY – Sinuspendi ng dalawang araw ang isang kasapi ng Public Order and Safety Division (POSD) ng Local Government Unit ng Cauayan City dahil sa hindi pagsusuot ng kanyang chaleco.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni POSD Chief Edwin Lucas na ipinataw nila ang suspension upang matuto ang mga kasapi ng POSD na igalang at sundin ang napagkasunduang pagsusuot ng kanilang chaleco.
Hangad din nito na sa pamamagitan ng pagsusuot ng kanilang chaleco ay igagalang sila ng mga motorista gayundin na matiyak ang kanilang kaligtasan.
Ang chaleco ng mga kasapi ng POSD ay reflectorized at dito makikita at magiging ligtas sila dahil inaabot sila ng gabi sa pagmamando ng daloy ng trapiko sa kalunsuran.
Bago pa man ibinigay ang chaleco sa mga kasapi ng POSD ay napagkasunduan nilang mayroong kahaharapin na suspension o babawiin ang chaleco sa kanila kapag hindi isinuot.
Nakita anya niya ang isang kasapi ng POSD na hindi nakasuot ng chaleco na anya’y nasa kanyang bag kayat pinatawan nila ng dalawang araw na suspension. .
Sa pagkaka-suspendi ng isang kasapi ng POSD na hindi na pinangalanan ay umaasa si Ginoong Lucas na wala nang miyembro ang hindi magsusuot ng kanilang chaleco.




