--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagpahayag ng pagkabahala ang ilang traffic enforcers na deputized ng Land Transportation Office (LTO) dahil sa nangyaring panunutok ng baril ng Liga ng mga Barangay President ng Angadanan, Isabela sa isa nilang kasamahan na nagpapatupad ng Executive Order Number 18.

Ang Executive Order Number 18 na ipinalabas ni Governor Faustino Dy III ay naglalayong pagbawalan ang mga nagmamaneho ng motorsiklo na walang rehistro at tsuper na walang lisensiya.

Ayon sa nakaugnayan ng Bombo Radyo Cauayan na ilang kasapi ng PNP na deputized ng LTO bagamat hindi na nagpabanggit ng pangalan, hindi umano tama ang asal ni LMB President Reynaldo Panganiban ng Viga, Angadanan, isabela na kuwestiyunin o sumuway sa trabaho ng mga LTO Deputized Law Enforcers dahil sila ay naatasang magpatupad ng batas sa lansangan.

Humihingi sila ng katarungan sa sinapit ni si SPO3 Jose tamang, 43 anyos, at deputized ng LTO at kasapi ng ilagan city Police Station kung saan nalagay sa bingit ng kamatayan ang kanyang buhay.

--Ads--

Hiniling nila sa mga otoridad sa Alicia na siyasatin na mabuti ang pangyayari at parusahan ang dapat na maparusahan.

Magugunitang sinita ni SPO3 Tamang si barangay kapitan Jun Lacar ng Inggud Sur, Angadanan na sakay ng motorsiklo.

Dumating si Kapitan Panganiban sakay ng Fortuner para tulungan ang kasamang punong barangay.

Nagkaroon ng sagutan ang magkabilang panig at kinuha ni Panganiban ang isang M16 Armalite Rifle sa kanyang sasakyan at tinutukan sa mukha si SPO3 Tamang.

Tumugon ang mga kasapi ng Alicia Police Station at inaresto si Panganiban.