
CAUAYAN CITY – Nagpapatupad ng mga hakbang ang Land Transportation Office (LTO) para masunod ang mga guidelines ng Inter-Agency Task Force (IATF) habang nasa ilalim ang Isabela sa General Community Quarantine (GCQ).
Muling nagbukas simula ngayong araw, May 13, 2020 ang mga sangay ng LTO at kabilang sa mga mahigpit na ipinatutupad na panuntunan ang pagsusuot ng face mask at pagsunod sa social distancing.
Hindi puwedeng magkaroon ng transaction sa LTO ang mga buntis, 21 anyos pababa at 60 anyos pataas.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Deo Salud, head ng LTO sa Cauayan City na limitado lang sa 70% ng kanilang daily average transaction noong wala pang Coronavirus Disease (COVID-19).
Bago ang COVID-19 ay umaabot sa 341 ang kanilang transaction bawat araw.
Ang 70% nito ay 238 na puwede nilang tanggaping transaksiyon bawat araw.
Ang lalampas sa nasabing bilang ay babalik sa susunod na araw at sila ang uunahing iproseso ang transaction.
Nilinaw ni Ginoong Salud na ang mga drivers license at rehistro ng mga sasakyan na nagpaso noong panahon ng lockdown ay may dalawang buwan na palugit mula ngayong May 13, 2020 hanggang July 13, 2020 na irenew ang mga ito.
Ang mga naisailalim na sa emission test ang kanilang sasakyan ngunit naabutan ng lockdown ay valid pa rin ito ng dalawang buwan.










