--Ads--

Dumulog sa panlungsod na konseho ang isang transport cooperative sa Cauayan City upang ireklamo ang umano’y problemang dulot ng sistema ng pilahan sa SM City Terminal.

Tinalakay sa committee hearing ang hinaing ng CAMPBB Bus and Jeep Line Corporation dahil apektado umano ang kanilang pila sa ipinatupad na alternatibong sistema ng byahe.

Noong 2024, naglabas ng kautusan si Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr. na gawing salitan ang byahe ng tatlong kooperatiba, ang CAMPBB, IPUTC Cooperative, at Van CIVRAC Cooperative upang maiwasan ang pagkalugi, ngunit hindi ito sinasang-ayunan ng ilang myembro.

Ayon kay Noli Tandayu, Vice President ng CAMPBB Cooperative, hindi sila pabor sa alternate dispatch dahil napapatagal ang kanilang pila at nalulugi sila. Iminungkahi niyang pagsamahin sa byahe ang bus at van dahil mas malayo ang kayang takbuhin ng mga ito kumpara sa jeep.

--Ads--

Nais din niyang ibalik sa dating sistema ng rambol ang pila upang ang mga pasahero na mismo ang pumili kung sasakay sila ng van, traditional jeep, o modern jeep.

Paliwanag ni Tandayu, nalulugi ang kanilang kooperatiba kung susunod sa alternate dispatch, lalo na kung van ang sinusundan sa pila dahil hindi lahat ng pasahero ay gustong sumakay dito.

SAMANTALA Hindi naman ito pinaboran ng pamunuan ng terminal dahil maaaring malugi ang mga kooperatiba at maging magulo ang pila, bukod pa sa maaapektuhan ang pasada ng mga driver ng van mula Cauayan City.

Ayon kay Joffrey Palma, Manager ng Cauayan Terminal, mas gusto niya ang pantay na pila dahil limitado lamang sa dalawang byahe kada araw ang mga van kumpara sa jeep na rutang Cauayan-Ilagan na nakakabiyahe nang higit sa sampung beses sa isang araw.

Ikinumpara rin niya ito sa sitwasyon sa Lungsod ng Ilagan kung saan hindi nakakapila ang mga sasakyang mula sa Cauayan.