--Ads--

CAUAYAN CITY – Dismayado ang hanay ng transportasyon sa bansa sa katatapos na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ito ay matapos hindi naisama sa ulat sa bayan ng pangulo ang usapin sa transportasyon pangunahin na ang Jeepney Modernization Program at ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ariel Lim, Chairman at Convenor ng National Public Transport Coalition, sinabi niya na “failed” ang naging SONA ng pangulo at labis itong ikinalulungkot ng kanilang hanay sapagkat hindi man lang umano sila  binigyang pansin ng Pangulo.

Binigyan naman niya ng grado na Tres si  Pangulong Marcos  sa ikatlo nitong SONA kung saan sampu ang pinaka-mataas at Uno ang pinakamababa.

--Ads--

Aniya, maganda naman ang inilatag niyang mga programa at proyekto gaya na lamang ng mga road expansion ngunit bigo itong talakayin ang ilang mabibigat na isyu sa bansa.

Umasa naman sila na babanggitin nito ang magiging aksyon ng pamahalaan sa  Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program at ang plano nito para matugunan ang mga problema na kinakaharap ng sektor ng dahil sa naturang programa.

Sa kabila nito ay patuloy pa rin silang makikipag-ugnayan sa Kongreso at Senado para mapakinggan ang mga hinaing at kahilingan ng mga nasa sektor ng transportasyon.

Umaasa pa din naman siya na balang araw ay makikita ng administrasyon ang kahalagahan ng kanilang sektor sa pagtugon sa pangangailangan ng mga mananakay.