CAUAYAN CITY – Dapat umanong pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang papapalago ng ekonomiya ng bansa at huwag lamang nilang sayangin ang kanilang oras sa away-pulitika.
Ito ang inihayag ni National Public Transport Coalition Convenor Ariel Lim sa panayam sa kaniya ng Bombo Radyo Cauayan hinggil sa panibagong pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo ngayong araw.
Giit nito na taumbayan ang laging kawawa sa tuwing sumisirit ang presyo ng langis dahil apektado nito ang lahat ng sektor pangunahin na ang transport group maging ang pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Kailangan din anyang gumawa ng hakbang ang pamahalaan para mapalakas ang halaga ng piso na isa sa mga rason kung bakit tumataas ang presyo ng produktong petrolyo at iba pang imported products.
Binigyang diin nito na hindi ayuda ang sagot sa problema sa presyo ng langis kundi ang panawagan nilang pagtanggal pansamantala sa excise tax habang mataas ang presyo nito sa pandaigdigang merkado.