--Ads--

Nananawagan ang transport group sa lungsod ng Cauayan na bawasan ang excise tax sa produktong petrolyo sa halip na magbigay ng ayuda kasunod ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Arnold R. Yabut, Chairman ng Progressive Transport Cooperative, sinabi niyang mas makatutulong umano sa mga tsuper at operator kung pansamantalang sususpindehin excise tax sa produktong petrolyo habang patuloy ang tensyon sa Middle East na isa sa mga dahilan ng paggalaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Aniya, bagama’t nakatutulong ang ayuda, pansamantala lamang itong solusyon kumpara sa pagbabawas ng buwis sa petrolyo na direktang makababawas sa gastusin ng mga tsuper at transport operators.

Samantala, sinabi rin ng Chairman na sumasang-ayon sila sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magtipid sa paggamit ng kuryente lalo na ngayong panahon ng tag-init kung kailan mas tumataas ang konsumo sa enerhiya.

--Ads--

Ayon sa kanya, maaaring bawasan ang oras ng paggamit ng aircon mula walong oras patungong apat na oras lamang at patayin ang mga ilaw o appliances na hindi naman ginagamit upang makatulong sa pagtitipid sa kuryente.

Sa kabila ng mataas na presyo ng produktong petrolyo, sinabi ng grupo na nag-aadjust na rin ang mga tsuper sa kanilang biyahe upang makatipid sa gastos sa krudo.

Aniya, imbes na magsibat o maghanap ng pasahero sa iba’t ibang lugar tulad ng ginagawa noon upang madagdagan ang kita, mas pinipili na lamang ngayon ng ilang tsuper na dumiretso sa mga terminal at maghintay ng pila kung saan tiyak na may sasakay na pasahero.

Dagdag pa ni Chairman Yabut, hindi na kinakailangang magtaas ng pamasahe kung maibababa lamang ang excise tax sa petrolyo dahil maaapektuhan din umano ang mga pasahero, lalo na ang mga estudyante, at maaaring magdulot ito ng domino effect sa pagtaas ng presyo ng iba pang pangunahing bilihin tulad ng pagkain.