CAUAYAN CITY – Kung dati ay hindi lumalahok sa tigil pasada, ngayon ay pinag-aaralan ng transport group sa lungsod Cauayan kung makikiisa sila sa transport strike na ikinakasa ng grupong Piston.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mr. Rolando Sayago, ang tagapagsalita ng mga namamasadang jeepney sa Cauayan, kinumpirma niya na nakatanggap na sila ng paanyaya mula sa Piston hinggil sa tigil pasada sa susunod na linggo.
Gayunman, sinabi ni Sayago na pagpapayahan pa ng kanilang samahan kung lalahok sila sa nasabing aktibidad.
Kung nakakarami umano sa mga namamasada ng jeep sa lunsod ang sang-ayon sa paanyaya ng Piston ay isasagawa rin nila ito sa Cauayan.
Matatandaan na tutol ang samahang Piston sa modernization program ng pamahalaan sa mga pampasaherong jeepney kaya nagsasagawa sila ng pagkilos.
Pero para kay Sayago, sang-ayon sila sa programa basta’t gagawa umano ang pamahalaan ng mga kaukulang hakbang upang hindi maapektuhan ang kanilang hanapbuhay.




