Nagbabadya ngayon ang taas-singil sa pamasahe dahil pa rin sa hindi matatag na presyo ng produktong petrolyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay NPTC convenor Ariel Lim, sinabi niya na ang pagtaas ng pamasahe ay malaking problemang pangkalahatan kaya ilang beses na nilang sinubukang i-lobby sa Pamahalaan at sa mga kinauukulang ahensya ang kasalukuyang presyo ng produktong petrolyo.
Aniya, hindi na biro ang pabago-bagong desisyon ng Pamahalaan kaugnay sa presyo ng langis at kaliwa’t kanang konsultasyon.
Kung matatandaan, ilang beses na rin silang humiling sa Pamahalaan na magpatupad ng programang hindi “band-aid solution” upang maiwasan ang pagtaas ng pamasahe, subalit wala pa ring aksyon ang mga kinauukulan.
Dahil sa nagbabadya na pagtaas ng pamasahe, kailangan aniya na mapag-aralan ito ng NEDA lalo’t makakaapekto ito sa gastusin ng mamamayang Pilipino.
Isa sa matagal na nilang suhestiyon ay ang pagsuspinde sa excise tax sa langis at ang pagsasawalang-bisa sa oil deregulation law.
Samantala, bukas ay muling ilulunsad ang transport strike sa pangunguna ng iba’t ibang grupo mula sa sektor ng transportasyon upang ipakita ang kanilang matinding pagtutol sa ilang iregularidad sa mga ahensya para sa transportasyon.











