CAUAYAN CITY – Nagsagawa ng pagpupulong ang HPG Isabela at ng mga presidente ng TODA sa lalawigan tungkol sa nationwide launching ng Mata ng Kalsada program ng Philippine National Police o PNP.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Major Rey Sales, ang Provincial Officer ng HPG Isabela, sinabi niya na kinuha nilang katuwang ang transport sector tulad ng mga tricycle drivers, jeepney drivers, van drivers maging ang mga street vendors.
Ayon kay Major Sales, sila ang magiging mata at tainga ng pulisya sa kampanya laban sa krimen.
Sila ang magsusumbong sa pulisya sa anumang makikita nilang iregularidad o krimen sa kalsada.
Aniya maraming nangyayaring iligal na gawain sa kalsada tulad ng mga bentahan ng iligal na droga, carnapping, pagbibiyahe ng mga iligal na pinutol na kahoy at iba pa at sila na palagi sa kalsada ang makakatulong sa pulisya upang mahuli ang mga gumagawa nito.
Nilinaw naman ni Major Sales na hindi lahat ng mga miyembro ng TODA ay makakasali sa recruitment dahil sa mga kwalipikasyong hahanapin ng PNP.
Aniya ayaw rin ng pulisya na makuha ang mga taong gagamitin ang nasabing posisyon para sa hindi magandang gawain na nakakasama sa organisasyon.
Limang libo ang kailangang bilang ng mga kukuning mata ng kalsada sa Rehiyon Dos ayon sa PNP.
Isang libo limandaan naman ang kukunin ng HPG Isabela para sa lalawigan ng Isabela.
Walang sahod o benepisyong maibibigay sa mga makukuhang mata ng kalsada kundi boluntaryo lamang ang kanilang pagsali.
Ayon pa kay Major Sales kahit pa kasama sila ng PNP sa paglaban sa kriminalidad ay hindi sila kukunsintihin kung sila ay nakagawa ng labag sa batas.