Nakatakdang magsagawa ng transport strike o tigil-pasada ang grupong Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) sa Huwebes, Setyembre 18.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PISTON Chairman Mody Floranda, sinabi niya na layunin ng kanilang pagkilos ang ipahayag ang pagkadismaya sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo bunsod ng umiiral na excise tax at VAT, na aniya’y dobleng pasanin ng mga driver at operator.
Batay sa grupo, sa mga delivery riders pa lamang ay umaabot na sa apat na libong piso ang nawawalang kita kada buwan dahil sa ipinapataw na buwis sa presyo ng langis, bukod pa sa tinatayang ₱23,000 na buwanang nawawalang kita ng mga operator ng modernized jeeps.
Dagdag pa niya, wala silang ibang hangarin kundi igiit ang karapatan ng mga driver at operator, kabilang na ang panawagan na payagan silang muling makapag-renew ng indibiduwal na prangkisa.
Isa rin sa kanilang mahigpit na tinututulan ang umano’y talamak na korapsyon sa mga flood control projects na nagdudulot ng pinsala at paulit-ulit na pagbaha na labis na nagpapahirap sa mga jeepney driver, na sila ring nangangailangan ng tulong mula sa pamahalaan.
Maliban sa PISTON, nakatakda ring magsagawa ng malawakang pagkilos ang grupong Manibela.
Kung matatandaan, sa pangunguna ng Makabayan Coalition ay inihain ang isang house bill na naglalayong rebisahin ang umiiral na excise tax sa langis na matagal nang nagpapahirap sa sektor ng transportasyon.
Hamon ni Floranda sa Pangulo na huwag lamang ituon ang pansin sa flood control, kundi maglabas din ng Executive Order na magpapatigil sa pagpapataw ng buwis sa petrolyo upang maibsan ang pasanin ng sektor ng transportasyon.
Giit pa niya, ang mga buwis na binabayaran ng mamamayan ay nararapat lamang na maibalik sa kanila sa anyo ng dekalidad na serbisyo mula sa gobyerno.











