Patuloy na pinalalawig ng mga awtoridad ang pagpapatupad ng batas-trapiko sa lungsod, kung saan naobserbahan ang pagluwag ng daloy ng mga sasakyan sa mga pangunahing kalsada.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Modesto Cabanos III, City Government Department Head I ng DPOS Santiago City, mas pinaigting ang kanilang presensya sa mga matataong lugar at interseksyon upang matiyak ang pagsunod ng mga motorista sa umiiral na regulasyon, kabilang ang tamang paradahan at pagsunod sa traffic signals.
Gayunman, iniuugnay din ng tanggapan ang pagluwag ng trapiko sa mas kaunting bilang ng mga sasakyang bumabyahe dulot ng patuloy na mataas na presyo ng gasolina at diesel, na nakaapekto sa operasyon ng ilang pampublikong transportasyon at pribadong motorista.
Dagdag pa ng DPOS, layunin ng kanilang pinaigting na operasyon na mapanatili ang kaayusan sa lansangan, lalo na sa mga oras ng matinding daloy ng sasakyan.
Samantala, nanawagan ang mga awtoridad sa publiko na patuloy na makiisa at sumunod sa batas-trapiko upang masiguro ang kaligtasan at maayos na daloy ng trapiko sa lungsod.











