--Ads--

Isasagawa ang lokal na prosisyon at translasyon ng Itim na Nazareno sa Lungsod ng Ilagan sa Enero 9, alas-4 ng hapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Peterson Patriarca, Spokesperson ng City of Ilagan Gay Association (CIGA) sinabi nitong magsisimula ang translasyon sa City Hall ng Ilagan at magtatapos sa Alibago Terminal, na daraan sa iba’t ibang barangay ng lungsod.

Aniya, magkakaroon din ng stopover sa Barangay Guinatan at sa mga iba pang barangay na madadaan bago ito magtuloy-tuloy patungo sa terminal.

Taon-taon isinasagawa ang nasabing aktibidad, at inaasahang mas marami ang lalahok ngayong taon kumpara noong nakaraang taon na umabot sa mahigit 500 deboto, kabilang na ang mga nagmumula sa mga karatig-bayan ng Ilagan.

--Ads--

Ayon pa kay Patriarca, nakahanda ang hanay ng PNP at Public Safety Marshals Office (POSMO) upang matiyak ang kaayusan at seguridad ng aktibidad.

Aniya, ang mga gawain sa prosisyon ay kahalintulad ng isinasagawa sa Maynila, kabilang ang pahalik at pagpunas ng panyo sa imahe ng Itim na Nazareno.

Dagdag pa niya, may mga nakatalagang personnel na tutulong sa mga debotong may dalang bata, lalo na kung sila ay mapagod, gayundin sa mga may kapansanan o may karamdaman, na bibigyan ng pagkakataong makalapit at makahaplos sa estatwa.

Pagdating sa Alibago Terminal, mamamahagi ang mga organizer ng token o iba pang mga inihanda nila sa mga deboto. Matapos ang translasyon, ibabalik at mananatili ang imahen ng Itim na Nazareno sa City Hall ng Ilagan.

Para naman sa mga hindi makadadalo sa prosisyon, bukas ang City Hall sa umaga upang makapagpahalik o makahaplos ang mga deboto sa Itim na Nazareno.

Nagpaalala si Patriarca sa publiko na iwasan ang pagdadala ng anumang matutulis na bagay tulad ng patalim at gunting sa panahon ng translasyon. Pinapayuhan din ang mga deboto na magdala ng tubig, at ang mga sasamang nakapaa ay iwasang magbitbit ng mabibigat upang maiwasan ang pagkapagod at mga hindi kaaya-ayang insidente.