--Ads--

Naging mapayapa ang traslacion ng replica ng itim na Nazareno sa Cauayan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Public Order and Safety Division o POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na mapayapa ang prusisyon dahil walang anumang siksikan o kaguluhan hindi katulad sa Maynila na inaakyat ang imahen ng Itim na Nazareno.

Naging motorcade na aniya ang nangyari dahil karamihan naman sa mga sumama sa traslacion ay gumamit na ng sasakyan at hindi na naglakad pa.

Tanging mga nangunang myembro ng simbahan lamang aniya ang naglakad na sumunod sa binubuhat na imahen.

--Ads--

Inabot naman ng dalawang oras ang traslacion at nasunod din ang itinakdang ruta kung saan mula sa simbahan ay dumaan ang prusisyon sa Cabaruan at tinahak ang national highway at pumasok sa Canciller Avenue pabalik na sa simbahan.

Nagkaroon naman ng pagsikip ng daloy ng trapiko sa bahagi ng pambansang lansangan bagamat nasa sampung minutong delay lamang naman ang naitala at bumalik din sa normal ang sitwasyon ng trapiko.

Masaya naman ang lahat ng mga deboto sa naging usad ng Traslacion at inaasahan nilang sa susunod na traslacion ay mas marami pang lalahok na deboto.

Pinasalamatan naman ni POSD Chief Pilarito Mallillin ang mga personnel tulad ng Philippine National Police at mga Brgy. Tanod na nagbantay sa prusisyon.