--Ads--

CAUAYAN CITY- Nakahanda  na ang Pamahalaang Panlungsod ng Ilagan para sa gaganaping lokal na bersyon ng traslacion ng replika ng Itim na Nazareno bukas, ika-9 ng Enero.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Sherwin Balloga, isa sa mga organizer ng traslacion, sinabi niya na ngayong araw ay nasa lobby ng Ilagan City Hall ang replika ng Poong Nazareno para magkaroon ng pagkakataon ang mga deboto na mahawakan at makapag-alay ng panalangin dito.

Bukas, ika-9 na Enero sa mismong kapistahan ng Itim na Nazareno ay sisimulan ang traslacion sa ganap na alas-4 ng hapon.

Ito ay magsisimula mula Centro, Ilagan partikular sa City Hall ng Lunsod hanggang Barangay Alibagu na tinatayang magtatagal ng tatlo hanggang apat na oras.

--Ads--

Noong nakaraang traslacion ay umabot umano sa 400 ang mga nakiisang deboto at inaasahan naman na mas madaragdagan pa ito lalo na at marami ang dumarayo mula pa sa iba’t ibang lugar.

Pinaalalahanan naman niya ang mga makikilahok na Person with Disabilities o PWD’s na sumakay na lamang sa sasakyan at sumunod na lamang sa traslacion upang hindi na sila mahirapan pa na makipagsiksikan sa maraming tao.

Pinayuhan din niya ang mga magulang na huwag nang magdala ng mga bata upang maiwasan na mawala ang mga ito.

Ang traslacion ay tauhang ginaganap sa Siyudad ng Ilagan upang mailapit sa mga deboto at mananampalataya ang replika ng Itim na Nazareno.