
CAUAYAN CITY – Dinakip ang isang treasurer ng barangay sa bayan ng Solano, Nueva Vizcaya dahil sa anomalya sa pondo ng kanilang barangay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMAJ. ANTHONY AYUNGO, hepe ng Solano Police Station na isang wanted person ang kanilang dinakip na treasurer na may kasong Malversation of Public Funds or property.
Nahuli na nila ang kanilang barangay kapitan noong nakaraang taon at ngayon lang lumabas ang mandamiento de aresto ng kasama niyang treasurer.
Aniya, ang Commission on Audit o COA mismo ang naghain ng kaso na nagsimula sa isang reklamo sa kanilang tanggapan.
Nagkaroon ng imbestigasyon ang COA at napag-alaman na may anomalya talaga na nangyari na pasok sa Malversation kaya nagsampa sila ng kaso sa korte.
Ayon kay PMAJ. AYUNGO, nakapagpiyansa rin ang akusado at nasa animnapong libong piso ang kanyang inilagak para sa kanyang kalayaan.
Sinubukan din umano nitong humiling sa korte na bawasan ang kanyang piyansa pero hindi pumayag ang korte dahil pondo ng pamahalaan ang kanilang ginalaw.
Paalala ni PMAJ. AYUNGO sa mga opisyal ng barangay na huwag sayangin ang tiwala na ibinigay sa kanila ng taumbayan at patunayan na karapat dapat sila sa kanilang posisyon.










