--Ads--

Bumaliktad ang isang tricycle matapos sumagi ang side wheel nito sa isang trailer truck na nakaparada sa gilid ng National Highway sa barangay District 1, Cauayan City dakong alas 3:45 kaninang madaling araw (Oktubre 28).

Lulan ng sidecar ang tatlong mag-iina mula Pinoma, Cauayan City na magdedeliver sana ng puto sa palengke.

Nagtamo ng sugat ang driver nito habang nagkaroon naman ng gasgas at bukol sa ulo ang isa sa mga lulan ng tricycle.  

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay June Matammo, isa sa nakakita ng insidente, sinabi niya na walang early warning device ang nakaparadang trailer truck kaya marahil ay hindi ito napansin ng tricycle lalo na at bahagya umanong nasakop ng truck ang ilang bahagi ng kalsada.

--Ads--

Hindi naman na nagsampa ng kaso ang mga biktima sa tsuper ng truck subalit napagkasunduan na magbibigay na lamang ito ng bayad-pinsala.